top of page
Writer's pictureBAJ 3B

Mandatory ROTC: Instrumento ng pasismo, hindi nasyonalismo

By Chaela Loren


Hindi sagot sa lumalalang krisis sa edukasyon ang korap, abusado, at nagtatanim lamang ng kultura ng karahasan sa mga estudyante at mamamayan.


Sa kanyang unang limang buwan sa puwesto, isa sa mga priority legislative agenda ng administrasyong Marcos Jr. ay ang muling pagsasabuhay ng Mandatory Reserve Officer Training Corps (MROTC) sa mga senior high schools at kolehiyo para isulong umano ang “disiplina at nasyonalismo” sa mga estudyante.


Mabilis itong iniratsada at nito lamang Martes, Disyembre 6, inaprubahan na sa isang joint House committee hearing ang “consensus bill” kung saan iniinstitusyonalisa ang pagpapatupad ng mandatory National Citizens Training Service (NCTS), kasama na ang military training, sa mga kolehiyo. Pinahihintulutan din sa panukalang batas na ito ang paglabas-pasok ng militar sa mga paaralan.


Subalit, paanong magsisilbi ang Mandatory ROTC sa mamamayan at bayan kung binuwag ito noon sa kadahilanang batbat ito ng korapsyon at pang-aabuso?


Noong 2001, natagpuan sa Pasig River ang bangkay ng 20 taong gulang na si Mark Welson Chua— nakabalot ang katawan sa carpet, balot ang ulo ng tela at packing tape, habang nakatali ang mga paa. Kalunos-lunos na kamatayan ang sumalubong kay Chua matapos niyang ibunyag ang mga anomalya sa Reserve Officer' Training Corps unit ng University of Santo Thomas (UST).


Hindi nga ba hipokritikal na disiplina at nasyonalismo ang layon ng panukalang batas kung ito mismo ang pumapatay sa mga kabataang nais maglingkod sa bayan? Ito ang mahabang kasaysayan ng karahasang nais ipamana sa mga bagong balon ng kabataan, upang isalba ang sarili sa kapangyarihan ng nagkakaisang mamamayang lumalaban para sa kalayaan mula sa kahirapan, at pananamantala.


Habang prayoridad ang pagpapalaganap ng militarisasyon at pasismo sa loob ng mga kampus na paglalaanan pa ng 50 milyong piso taon-taon, ang pondo para sa sektor ng edukasyon ay kakaltasan pa nang higit 10 bilyong piso sa State Universities and Colleges (SUCs) at 1.5 bilyong piso sa Republic Act 10931 o ang Free Education Law sa bansa. Kung may kakayahan naman palang pondohan ng gobyerno ang military training ng mga kabataang estudyante, bakit hindi ang edukasyon sa bansa gayong nagsisimula nang muli ang harapang moda ng pagkatuto matapos matengga sa online class. May Mandatory ROTC, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin ang ligtas, abot-kaya, at dekalidad na balik-eskwela.


Lumilitaw na kailanman ay hindi talaga prayoridad ang pagsasaayos ng sistema ng edukasyon sa bansa kundi ang gawing puppet lamang ang mga kabataang estudyante upang bulag na sumunod sa mga 'di makatwirang pamantayan mula sa mga nakatataas, at gawing kasangkapan ng estado sa pagpapatahimik sa mga lumalaban sa kasalukuyang sistema. Ngunit hindi na lumang tugtugin ang balitang ito, sapagkat legasiya na ng pasista't diktador at patay na si Marcos hanggang sa kaniyang anak na kasalukuyang pangulo ng Republika ng Pilipinas ang pandarahas sa sambayanang Pilipino, at pagpapakasasa sa yaman ng bayan. Habang ang mamamayan, patuloy na nalulugmok sa kahirapan.


Kung kaya, sa muling pagtatangka na buhayin ang Mandatory ROTC sa bansa na hindi naman imposibleng mangyari sapagkat hindi na bago ang korap na Senado at Kongreso na pare-parehong nagsisilbi sa pansariling interes, asahan ang mas malawak pa na pandarahas ng gobyerno— na nagsisimula na nga sa marahas na dispersal sa mga piket-rali, pananakot hanggang sa paglalabas na ng armas-militar.


Gayumpaman, ipagpapatuloy ang Rebolusyong 1896 sa panahon ni Andres Bonifacio ng mga kabataang makabayan. Sa kabila ng mga banta at pagpapatahimik, lilikha ito ng apoy para sa mas malawak na hanay ng masang api na magpapatuloy sa kasaysayan ng mga dati nang lumaban.


TAGS: Mandatory Reserve Officer Training Corps, ROTC, military training, National Citizens Training Service (NCTS), Mark Welson Chua


40 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page